Saturday, 5 February 2011

SI GERRY SOLIMAN AT SI ELIPHAZ ni Bro. Marwil Llasos, OP



SI GERRY SOLIMAN AT SI ELIPHAZ

Si “GINOONG KONTRADIKSIYON” a.k.a. GERALD JOHN P. SOLIMAN na may ari ng nilalangaw na blog na SOLUTIONS FINDER APOLOGETICS ay minsang nag-akusa sa akin at sa aking kapatid na tagapaghatanod ng Santa Iglesia na si G. FRANZ LUIGI LUGENA na kasamahan ni REBERENDO PADRE ABRAHAM P. ARGANIOSA, CRS sa palatuntunang pantelebisyon na “THE SPLENDOR OF THE CHURCH” ng AITV-5 sa dakilang lalawigan ng Sorsogon.
Ang Kapatid na Franz ay isang magiting na tagapagtanggol ng pananampalatayang Katoliko laban sa panduduwahagi ng ating mga kaibayo. Katunayan, marami nang pagkakataon na pinataob ni Kapatid na Franz ang kaniyang mga kadiskusyon sa Bereans Forum. Wala silang panama sa batang-bata ngunit magaling na tagapagtanggol na ito ng pananampalatayang Katoliko na mas kilala sa taguring KAPATAS at PARABANOG.
Si Franz Luigi Lugena at masasabi kong isa sa mga hinahangaan kong Catholic apologists sa ating bansa. Marami na kaming pagkakataon na nagkasama sa pakikipagdigma laban sa mga tampalasan, mga ereje, filibusteros, mga infieles at mga kaaway na nanduduwahagi sa karangalan ng Dios at ng Kaniyang nag-iisang Iglesia, ang Iglesia Katolika Apostolika Romana. Nagkakaparehas kami ng pananaw sapagkat kami ay parehas na tumatalima sa mga dalisay na aral ng Salita ng Dios na tanging sa loob lamang ng Santa Iglesia matatagpuan ng buong-buo at buong ningning. Samakatuwid baga’y, wala ni isa man sa aming pananaw panrelihiyon ni Kapatid na Franz ang nagkakasalungatan.
G. GERALD JOHN P. SOLIMAN a.k.a. GERRY SOLIMAN a.k.a. RODIMUS (hango sa kaniyang Facebook account)
Ngunit may mga taong katulad ni G. GERRY SOLIMAN na intrigero, chismoso at ubod na palabintangin. Ang taong ito ay parang isang ahas na bagamat nagkukubli sa pilapilan ay handang manuklaw kapag may pagkakataon. Nakasanayan na ni G. Soliman ang masamang gawaing ito. Isa sa kaniyang di kanais-nais na gawain ay ang maghanap ng inaakala niyang kontradiksiyon sa mga pananaw ng mga manananggol Katoliko. Sa maraming pagkakataon na nasaksihan ng balana, naipakita natin sa madla na ang mga paratang ni G. Soliman ay pawang hindi totoo. Saksi ang mga tagabasa ng blog na ito at ng iba pang mga blog sa tahasang pagsisinungaling ni G. Soliman sa di-mabilang na pagkakataon. Tila yata walang kadala-dala itong si G. Soliman sa kaniyang lihis na gawain. Lahat ng mga intriga at chismis na pinagkakakalat niya ay sumasambulat naman sa kaniyang sariling mukha. Nawalan na yata ng hiya itong si G. Soliman. Kung sabagay, manang-mana siya sa kaniyang Amang Diablo, na ayon sa binabanggit ng Biblia:
“Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito” (Juan 8:44).
Kung ano ang puno, siya ang bunga. Ang Diablo ayon sa Banal na Kasulatan ay ang “tagapagsumbong sa ating mga kapatid” gaya ng binabanggit sa Apocalipsis 12:10 –
“At narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit, na nagsasabi, Ngayo'y dumating ang kaligtasan, at ang kapangyarihan, at ang kaharian ng ating Dios, at ang kapamahalaan ng kaniyang Cristo: sapagka't inihagis na ang tagapagsumbong sa ating mga kapatid na siyang sa kanila'y nagsusumbong sa harapan ng ating Dios araw at gabi.”
Halos walang pinagkaiba ang gawain ni G. Soliman sa kaniyang amang Diablo, ang maging tagapagsumbong ng mga bagay-bagay na pawang walang katotohanan. Alalaong baga’y ang pagbibintang para lamang makapanira ng kapuwa at makapandaya ng mga hirang ng Dios. Manang-mana talaga sa kaniyang amang sinungaling (cf. Juan 8:44).
Halina’t muli na naman nating tunghayan ang mga kasinungalingan ni G. Gerry Soliman. Sa kaniyang pagpapalusot sa kaniyang sagot sa aking mga argumento at todo-iwas sa mga puntos na aking ibinato, kagyat na inilihis ni G. Soliman ang usapan at ito ay ibinaling niya sa diumano’y hindi ko masagot na pagkakasalungatan namin ng kapuwa ko depensor Katoliko. Isa dito ay ang usapin kung si Eliphaz ay mabuti o masama. Malinaw na isinasabong niya kami ng Kapatid na Franz Luigi Lugena.
Para sa ikababatid ng lahat, wala akong hilig na tumingin sa blog ni G. Gerry Soliman at sa katulad niyang mga palamara sapagkat wala naman itong kakuwenta-kuwenta. Katunayan, madalas pa sa ulan kapag may El Niño ang bumibisita dito. Maliban diyan, dadalawa lamang ang kaniyang mga tagasunod. Anupa’t pag-aaksayahan ko ng panahon ang blog na binabangaw din naman?
May mga pagkakataon na ako’y sumasagot sa mga artikulo ni G. Soliman. Una, kung siya ay nagpapaskel ng komento sa aking blog at maayos ko namang sinasagot ang mga ito. Pangalawa, kapag tinatawagan ang aking pansin ang aking mga kapatid at kapanalig sa Iglesia na nagnanais na tumugon ako sa mga paksang sinulat ni G. Soliman.
Yaman din lamang na si G. Soliman na rin mismo ang umungkat ng usapin, pagdadamutan kong sagutin ang kaniyang mga pasaring at pagbubulaanan. Uunahin ko ang paksang pagkokontrahan diumano namin ng Kapatid na Franz.
Ang mga walang kapararaang birada ni G. Gerry Soliman ay matatagpuan sa (http://solutions-finder.blogspot.com/2011/01/is-eliphaz-good-or-bad.html).
ELIPHAZ THE TEMANITE
Tunghayan natin ang pagsasabong sa aming dalawa ni Kapatid na Franz Luigi Lugena ng intrigero, chismoso at “sabungerong” si Gerry Soliman:
According to Atty. Marwil Llasos:
So for Atty. Llasos, Eliphaz is unrighteous. Eliphaz is not like his friend Job who is righteous and shuns evil. And Atty. Llasos even identifies Eliphaz with Born Again Christians.
However, for Mr. Franz Luigi Lugena (aka Kapatas and Parabanog), an apprentice of Fr. Abe Arganiosa:
Oooh, so Eliphaz is not an evil person according to Mr. Lugena. So, let's leave the two of them to settle their differences.
Talaga nga po namang pinanawan na ng kahit na gahiblang katinuan itong si G. Gerry Soliman. Para lamang may maipukol sa mga tagapagtanggol Katoliko, aba eh pinapalabas niya na kami ay nagkakasalungatan sa aming mga payahag. Sa kaniyang pagsasabong, lumalabas naman ang kasalatan niya sa kaalaman sa Banal na Kasulatan. Kawasay walang muwang sa Salita ng Dios kung kaya’t ang lahat ng kaniyang paninira ay bumabalik din sa kaniya at sumasambulat sa kaniyang mukha. Aba’y pakapalan na lang ata mukha ang puwede niyang gawin.
Titindigan ko ang aking mga pahayag at ipapaliwanag ko sa mapurol na unawa ni G. Soliman kung bakit wala kaming pagkakasalungatan ng Kapatid na Franz. Nananawagan ako sa aking mga masugid na tagasubaybay at magiliw na mambabasa na tunghayan ninyo ang kabuuan ng sinasabi ni Kapatid na Franz dito sa:
At pakitunghayan din po sana ang aking mga sinabi sa
Una ipapapansin ko lamang po sa lahat na mambabasa na magkaibang paksa ang aming pinag-uusapan dine. Ang akin ay tungkol sa pagtawag sa mga banal ni Job (Job 5:1) at ang Kapatid na Franz naman ay tumutugon sa mga pagtutol ng mga kaanib ng Iglesia ng Dios Internasyonal, Inc. (“Ang Dating Daan”) ni G. Eliseo Soriano hinggil sa sinasabi ng Job 22:15: “Iyo bang pagpapatuluyan ANG DATING DAAN, na nilakaran ng mga NG MGA MASAMANG TAO?”
Ngayon po ay dumako na tayo sa lundoy ng usapin. Nagkatunggali ba kami ni Kapatid na Franz sa aming mga pahayag ng sinabi ko na si Eliphaz ay taong di-matuwid at sa kaniya naman ay si Eliphaz ay hindi masamang tao?
Sagot: Hindi po at wala po kaming mga pahayag na nagkokontrahan kung uunawain lamang ng tama an gaming mga pahayag. Sapagkat si G. Gerry Soliman ay wala sa hustong pang-unawa, siya ay nagkamali ng kaniyang pakiwari at kami ay pinaratangan ng pagkakasalungatan. Ganiyan nakapanliligaw ng kapuwa si G. Soliman.
Uriratin natin ang usapin para sa kabatiran ng lahat at upang wala nang mailigaw pa si G. Soliman at ang kaniyang Ama sa 8:44 ng Juan.
Sisipiin ko muli ang aking mga tinuran:
Tanong, ang talatang sinipi ko, ang Job 5:1, kalian ba iyon iyon naganap? Aba’y nung siya ay di pa matuwid at sakdal sapagkat hindi pa pinapatawad ng Dios ng kaniyang mga kasalanan. Kaya, sa aking pagkakagamit ng talata, iyon ay nagpapakita ng kalagayan ni Eliphaz noong hindi pa siya mabuti. Ako ba ang may sabi niyan? Aba’y hindi! Dios mismo ang may sabi niyan. Mismong ang Panginoong Dios ang nagpapatotoo na hindi nagsalita ng matuwid tungkol sa Kaniya sina Eliphaz at kaniyang mga katropa. Ano ang wika ng Dios? Basa!
At nangyari, na pagkatapos na masalita ng Panginoon ang mga salitang ito kay Job, sinabi ng Panginoon kay Eliphaz na Temanita, Ang aking poot ay nagaalab laban sa iyo, at laban sa iyong dalawang kaibigan: sapagka't hindi kayo nangagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, na gaya ng ginawa ng aking lingkod na si Job” (Job 42:7).
Aber, kung hindi matuwid si Eliphaz ng mga panahong iyon bakit siya sukat na kagagalitan ng Dios? Iyon ang ipinupunto ko. Doon sa tagpong kinukutya ni Eliphaz si Job sa 5:1, malinaw na hindi siya matuwid. Ngunit ang tao ay maaring magbago eh. At naganap din iyon kay Eliphaz. Sa kalaunan nga siya ay nagbago at napatawad na ng Dios kung kaya’t siya ay naging mabuti at sakdal. Tumalima sila sa ipinag-utos ng Dios para sa ikapagpapatawad ng kanilang mga kasalanan:
“Kaya't magsikuha kayo sa inyo ngayon ng pitong guyang baka, at pitong lalaking tupa, at magsiparoon kayo sa aking lingkod na kay Job, at ihandog ninyo sa ganang inyo na pinakahandog na susunugin: at idadalangin kayo ng aking lingkod na si Job: sapagka't siya'y aking tatanggapin, baka kayo'y aking gawan ng ayon sa inyong kamangmangan; sapagka't hindi kayo nangagsasalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, na gaya ng aking lingkod na si Job. Sa gayo'y nagsiyaon si Eliphaz na Temanita, at si Bildad na Suhita, at si Sophar na Naamatita, at ginawa ang ayon sa iniutos sa kanila ng Panginoon: at nilingap ng Panginoon si Job” (Job 42:8-9).
Katunayan, kinasangkapan pa nga ng Dios ang isang taong banal para sa ikapagpapataw nina Eliphaz at ng kaniyang mga katsukaran eh. Kaya din nga naging mabuti si Eliphaz dahil sa ipinamanhik siya ng matuwid na si Job. Tigib sa awa ang Panginoon: maaari siyang magpatawad ng kasalanan at maaring baguhin ng Kaniyang biyaya ang isang tao gaano pa man siya kasama. Sa tuwi-tuwina, lagi nating aalalahanin:
“Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan” (1 Juan 1:9).
Samakatuwid, magkaibang yugto ng buhay ni Eliphaz ang pinapatungkulan namin ni Kapatid na Franz. Ang Eliphaz na di matuwid na aking binabanggit ay ang Eliphaz sa Job 5:1 na kumukutya kay Job na isang taong matuwid: Tumawag ka ngayon; may sasagot ba sa iyo? At sa kanino sa mga banal babalik ka? (Job 5:1).
Sa kabilang dako, ayun naman kay Kapatid na Franz, ang Eliphaz na pinatutungkulan niya ay ang Eliphaz na napatawad na sa kanyang mga kasalanan sa bisa at tulong din naman ng panalangin ni Job (Job. 42:10). DALAWANG MAGKAIBANG YUGTO sa buhay ni Eliphaz ang pinatutungkulan namin ni Kapatid na Franz kung kaya’t paano kami magkakasalungatan? Si Eliphaz ay isang tao na sa una’y masama ngunit pinatawad ang mga kasalanan ng mahabagin at makapangyarihang Dios.
BRO. FRANZ LUIGI LUGENA and ATTY. MARWIL N. LLASOS, OP
Gaya ng kaniyang nakagawian, hinablot ni G. Gerry Soliman sa konteksto at tahasan niyang minali ang pinag-uusapan namin ni Kapatid na Franz. Subalit, hindi pa huli ang lahat kay G. Gerry Soliman. Gaya ni Eliphaz, puwede pa siyang humingi ng tawad at magbago. Katulad ni Job, ipinapanalangin namin ni Kapatid na Franz ang Kapatid na Gerry Soliman para sa lubos na ikapagpapatawad ng kaniyang mga kasalanan.
"Ang hain ng masama ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang dalangin ng matuwid ay kaniyang kaluguran" (Kawikaan 15:18).

No comments:

Post a Comment